No testing rule sa local tourists, tinututulan ng OCTA Research Team

Hindi sang-ayon ang mga eksperto mula sa OCTA Research Team na hindi na isailalim ang local tourists sa testing para sila ay makapamasyal.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Butch Ong na importanteng ma-monitor ng bawat Local Government Units (LGUs) ang mga papasok sa kanilang nasasakupan.

Katwiran ni Ong, kahit anong lalawigan o siyudad, kailangan talaga ng testing dahil marami aniya sa mga kababayan natin ay asymptomatic.


Giit pa nito, ang paglipat ng isang tao, lalo na ng isang asymptomatic mula sa isang lugar patungo sa iba pang lugar ay sadyang delikado dahil maaari itong makahawa nang hindi nito nalalaman.

Reaksyon ito ni Dr. Ong makaraang magdesisyon kamakailan ang Cebu Government na hindi na kailangan pa ng swab test ang sinumang bisita o turista na mamamasyal sa Cebu City.

Sa pinakahuling datos mula sa OCTA, nasa 15% ang positivity rate sa Cebu City kung saan nangangahulugan itong sa kada 100 katao doon 15 ang positibo sa COVID-19.

Facebook Comments