“No vaccine, no pay” labag sa Konstitusyon – Kongresista

Iginiit ni Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva na “unconstitutional” ang umano’y “no vaccine, no pay” sa mga empleyado ng ilang pribadong establisyemento.

Sinabi ni Villanueva na ang nasabing practice ay hindi lamang iligal kundi wala ring pagkahabag sa mga empleyado at bumabangga pa sa usapin ng constitutionality.

Partikular na tinukoy ng kongresista, ang Section 5, Article 3 ng Konstitusyon kung saan ginagarantiya ang kalayaan ng mga Pilipinong makapamili dahilan kaya kwestyunable sa batas ang polisiyang “no vaccine, no pay”.


Kinikilala naman ng Citizens’ Battle Against Corruption (CIBAC) Partylist representative ang kahalagahan ng bakuna para mabawasan ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya at sa healthcare system ngunit hindi naman dapat aniya tinatakot ang mga tao para sumunod at mapilitang magpabakuna.

Ang sapilitang pagbabakuna at iba pang uri ng coercion o pamimilit sa publiko ay lalo lamang nagpapataas sa duda at pag-aalinlangan sa COVID-19 vaccines.

Sa halip na panghihimok na may banta sa publiko, dapat ay mas mabigyan ng edukasyon ang taumbayan sa bakuna para makapagdesisyon nang maayos ang mga tao para sa kanilang kalusugan at kaligtasan.

Punto pa ng mambabatas, ang pagpapabakuna ay isang personal na desisyon na kahit ang estado at mga negosyo ay hindi maaaring ipilit sa mga tao.

Facebook Comments