Mga nagtutungo sa mga pasyalan, dapat na maging responsable sa pagsunod sa health and safety protocols ayon sa PNP

49

Iginiit ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na dapat ay mas maging responsable sa pagsunod sa health and safety protocols ang mga tumutungo sa pasyalan kahit pa mas niluwagan na ang restrictions.

Ginawa ng pamunuan ng PNP ang panawagan matapos ang mga ulat nakarating sa kanila na may mga hindi sumunod sa health and safety protocols nang pumasyal sa Dolomite Beach sa Maynila.

Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, inatasan niya na ang concerned police offices na tiyaking may mga naka-deploy na pulis sa mga pasyalan at iba pang lugar na maraming tao para matiyak na nasusunod ang health and safety protocols gaya ng pagsusuot ng facemask, face shield at social distancing.


Sinabi ng PNP Chief, nauunawaan niya ang kagustuhan ng majority ng mga Pilipino na makalabas ng bahay at makapamasyal pero dapat aniyang maging maingat para hindi na tumaas pa ang kaso ng COVID-19 at mapilitan na naman ang gobyerno na magpatupad ng lockdown.

Kabilin-bilinan naman ng PNP chief sa kanyang mga tauhan na ipatupad ang maximum tolerance sa mga mahuhuling lumalabag sa protocols.

Facebook Comments