Hindi kuntento ang isang kongresista sa ginawang pagbawi lang ng Department of Transportation (DOTr) sa “No vaccine, No ride” Policy sa ilalim ng Alert Level 2.
Ito ay bunsod ng pangambang ibalik ulit ang polisiya kapag itinaas muli sa Alert Level 3 ang National Capital Region (NCR) sakaling magkaroon na naman ng surge sa mga COVID-19 cases.
Giit ni Deputy Speaker Bernadette Herrera, dapat ay tuluyang ibasura ang polisiya at hindi na ibalik pa.
Ayon sa kongresista, nakamit naman na ng NCR ang 90% ng target population na mabakunahan ng dalawang dose kontra COVID-19.
Hindi naman aniya makatwiran na maabala ang mga pasahero at maging ang mga otoridad para lamang hanapin sa pila ang mga commuters na hindi pa bakunado o iisa pa lang ang dose na natanggap.
Kung tutuusin aniya, ang pamahalaan ang dapat na humahanap ng makatwirang solusyon para tulad ng pagkakaroon ng hiwalay na sasakyan para sa mga hindi pa bakunado.