“No Vax, No Ride” policy, tinutulan ng isang transport group

Tinutulan ng isang transport group ang ipinapatupad ngayon na “No Vaccination, No Ride” policy sa Metro Manila.

Ayon kay Ka Mody Floranda, presidente ng PISTON, halos dalawang taon nang apektado ng pandemya ang kanilang kabuhayan ay daragdag pa sa kanilang pasanin ang bagong polisiya.

Katwiran niya, bukod sa hindi pa sapat ang kinikita nila dahil sa mahal na presyo ng petrolyo ay maaari pa itong pagmulan ng away ng mga pasahero at tsuper.


“Magiging dahilan lang ito ng tanggulian ng mga driver at saka ng pasahero kasi sa bahagi ng driver, igigitgit niya yung polisiya yung pasahero naman e igigitgit niya yung kanyang karapatan,” ani Ka Mody.

“300 to 400 pesos lamang yung kanilang naiuuwi sa kanilang pamilya ay nandyan pa yung tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo na lalong nagpapaliit sa kita ng mga driver at operator sa kasalukuyan,” paliwanag niya.

“Ngayon, nasa Alert Level 3 tayo, ay magpatingin ang I-ACT ay gawing 50% na naman yung ating mga pasahero, e paano mabubuhay yung ating sektor ng transportasyon,” giit pa niya.

Kasabay nito, kinuwestiyon din ni Ka Mody ang hindi pagkonsulta sa kanila ng Department of Transportation (DOTr) bago ipatupad ang “No Vax, No Ride” policy.

“Malinaw na ito ay kung titingnan namin ay hindi masusing pinag-aralan ng DOTr na basta na lamang gumawa ng isang polisiya na wala man lamang nagaganap na konsultasyon sa hanay ng transportasyon,” dagdag niya.

Facebook Comments