“No vaxx, no labas” policy sa NCR, minaliit ng isang kongresista

Minaliit ni Assistant Minority Leader Arlene Brosas ang pagpapatupad ng ‘no vaxx, no labas’ policy sa Metro Manila bilang hakbang para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 partikular na ang pinangangambahang Omicron variant.

Katwiran ng kongresista, hindi sapat na polisiya ang pagbawalang lumabas ng bahay ang mga hindi bakunado dahil kahit naman bakunado ay pwedeng maging “carrier” ng virus.

Punto ni Brosas, nangyari ang pinakahuling pagsirit ng COVID cases sa NCR kahit mahigit 100% na ng target population ang nabakunahan.


Kailangan aniyang palawakin at gawing libre ang mass testing para malaman ang totoong sitwasyon ng hawahan sa ground mapa-bakunado man o hindi.

Kasabay nito’y pinalilinaw rin ng mambabatas sa Department of Budget and Management (DBM) kung mayroong alokasyon sa pinal na 2022 national budget para sa contact tracing.

Base kasi aniya sa isinumiteng expenditure plan ay walang pondo para sa pagkuha ng contact tracers.

Facebook Comments