Nobya, Pakakasalan ang Namatay na Nobyo!

20282

Cauayan City, Isabela – Nakatakda na bukas ng umaga ang pagpapakasal ng nobyang si Zyrine Delmendo sa labi ng kanyang nobyong si Jake Anthony Macadangdang bago ito tuluyang ihatid sa kanyang  huling hantungan.

Sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan kay Miss Delmendo, dati na umano nilang plano ng kanyang nobyo ang pagpapakasal bago pa man naganap ang hindi inaasahang pagpatay kay Jake noong August 24,2018 sa San Fermin, Cauayan City, Isabela.


Aniya ang seremonya ng kasal ay gaganapin mismo sa sementeryo bago ang gagawing libing sa pamamagitan ng isang pastor matapos hindi payagan ng simbahan at pari na maikasal ang magkasintahan.

Ayon kay Zyrine wala umanong katulad ang kanyang nobyong si Jake dahil maliban sa pagiging mabait ay tapat din itong kasintahan.

Dagdag pa niya, suportado ng kanyang pamilya maging ng pamilya ni Jake ang kanyang desisyong pakasalan ang nobyo.

Samantala nanawagan si Miss Delmendo na maari lamang umano na magsuot ng puti ang lahat ng dadalo bukas sa kanilang kasal at sa libing ng nobyo sa Aves Memorial Garden ng San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Matatandaan na nasawi si Jake Macadangdang matapos araruhin  at sagasaan ng dalawang suspek ang motorsiklong kanyang sinasakyan  kasama ang anim pang mga kaibigan na sugatan din matapos ang aksikdente.

 

Facebook Comments

From Advertisers