Maliban sa pagiging Rank 4 ng Province of Cotabato sa bago lamang inilabas na Most Competitive Provinces ng National Competitiveness Council (NCC) ngayong 2017 ay pasok din ang nag-iisang lungsod at apat na mga munisipyo ng lalawigan sa National Competitiveness Council Most Competitive Chartered Cities and Municipalities.
Ito ay ang Kidapawan City na Rank 24 sa Most Competitive Chartered Cities, Municipality of Midsayap na Rank 11 sa Most Competitive 1st and 2nd Class Municipalities, at Mun of Kabacan na pasok din bilang rank 18 sa naturang kategorya.
Nakuha naman ng Municipality of Aleosan ang Rank No. 32 sa Most Competitive 3rd-4th Class Municipalities habang nakuha naman ng Municipality of Banisilan ang Most Improved LGU.
Ginanap kahapon sa FB Hotel sa Koronadal City ang awarding kung saan dumalo at tumanggap ng mga plaques at certifications si Governor Emmylou “Lala” J. Talino-Mendoza kasama ang mga Local Chief Executives at representatives ng naturang lungsod at mga bayan.
Kaugnay nito, pinasalamatan ng gobernadora ang mga LGU’s na nabigyan ng parangal sa pagsisikap ng mga ito na mapahusay ang kanilang mga performance partikular na sa economic dynamism, infrastructure, government efficiency, at resiliency na siya namang basehan ng NCC sa pagpili.
Masaya din ang gobernadora matapos na nasungkit ng Cotabato Province ang Rank no. 4 mula sa kabuuang 72 lalawigan na kwalipikado at aktibong lumahok sa NCC ranking.
Layon ng NCC na isang private-public entity na hikayatin ang mga probinsiya, lungsod at munisipyo sa bansa na pasiglahin at pagbutihin pa ang kanilang performance at mapaangat ang antas ng pamumuhay ng kanilang mga mamamayan.
Maliban rito, nais din ng NCC na palakasin ang mga inisyatibang pang ekonomiya ng mga LGU partikular na ang kanilang mga Action Agenda of Competitiveness at maging bahagi ito ng Philippine Development Plan. *(JIMMY STA. CRUZ-PGO IDCD/Media Center)*