Nag-isyu ang Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP ng NOTAM o notice to airmen matapos ang paglagpas ng eroplano ng Jetstar Japan sa runway sa NAIA.
Ayon kay CAAP spokesman Eric Apolonio, epektibo ang NOTAM kaninang alas singko bente sais ng umaga hanggang bukas ng ala una y medya ng madaling araw.
Unang kinumpirma ng Manila Tower, na kasalukuyang nagta-taxi ang Airbus 320 ng Jetstar Japan kaninang madaling araw nang lumagpas ito sa runway at na-stuck sa damuhang bahagi.
Patungo sana ng Narita sa Japan ang naturang eroplano.
Ligtas naman ang lahat ng pasahero at crew ng aircraft.
Naapektuhan naman sa insidente ang dalawang flights partikular ang Cebu Pacific 5J580 (Cebu-Manila) na na-divert sa Clark International Airport at ang Air Asia flight Z2 889 mula Seoul, South Korea na lumapag sa runway 06/24.
Iniimbestigahan na ng CAAP Aircraft Accident Investigation Inquiry Board (AAIIB) ang pangyayari.