NPA ANNIVERSARY | PNP at AFP, mas alerto dahil sa inaasahang maraming pag-atake ng NPA

Manila, Philippines – Mas pinaigting ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang kanilang operasyon laban sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Ito ay dahil inaasahan nila ang kaliwat-kanang pag-atake ng komunistang terorista upang magparamdam kaugnay sa gaganaping nilang ika 49 taong Founding Anniversary sa March 29, 2018.

Sa panig ng PNP sinabi ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na iniutos nya na sa lahat ng Police Regional Directors ang mas masigasig na tactical operation upang hindi malusutan.


Aniya malimit na maraming pagatake ang NPA bago at pagkatapos ng March 29 kaya ito ang kanilang pinaghahandaan.

Habang ang AFP sinabi ni Lt. Col. Emmanuel Garcia ang hepe ng Public Affairs Office na puspusan rin ang kanilang military operation nang sa ganun ay hindi makaubra ang mga teroristang komunista.

Aniya nakasanayan na nila ang ginagawang pagsalakay, pambobomba sa mga pasilidad ng gobyerno tuwing magdiriwang ng anibersaryo ang NPA.

Kaya nanatili aniya ang kanilang pagiging proactive upang manatiling payapa at ligtas ang komunidad lalo na sa mga lugar na malimit target ng npa sa kanilang mga pag-atake.

Facebook Comments