Cauayan City, Isabela- Bilang pagtalima sa kautusang ipinalabas na Executive Order # 70 ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay tuluyan nang idineklara bilang ‘Persona Non Grata” ang mga kasapi ng New Peoples Army (NPA) sa bayan ng Angadanan, Isabela.
Isang resolusyon mula sa legislative body o Sangguniang Bayan (SB) ang ipinalabas at napagkasunduan na agad namang pinirmahan ni Mayor Joelle Mathea Panganiban kasama ang 59 barangay opisyal, kasundaluhan, mga pulis, Non Government Organization o NGO’s at ilan pang indibidwal na kumokondena sa presensya at aktibidad ng mga makakaliwang grupo.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt.Alexander Opiña, OIC ng PNP Angadanan, kanyang sinabi na ang laban na ito ay laban ng pamahalaan na dapat suportahan at ideklarang ‘Persona Non Grata’ ang mga Communist Party of the Philippines/ National Democratic Front / New Peoples Army o CPP/NDF/NPA na wala silang puwang sa ating komunidad.
Ang ipinaglalaban umano ng mga nasabing makakaliwang grupo ay pawang mga kasinungalingan at panlilinlang lalo sa mga murang edad na mga kabataan.
Dahil sa presensiya ng mga otoridad at pakikipagtulungan ng komunidad ay naagapan ang paghihikayat, pananakot at ilang aktibidad ng mga makakaliwang grupo. Ang bayan ng Angadanan ay nasa gitna kung saan ay maaaring takbuhan ng mga nakapaligid na mga rebelde mula sa bayan ng San Mariano, San Guillermo, Echague, Jones, San Agustin, at ng Lungsod ng Cauayan sa Lalawigan ng Isabela.
Samantala, umapela si Mayor Panganiban sa mga miyembro ng rebeldeng grupo na magbalik loob na sa pamahalaan dahil nakahanda silang tulungan sa pamamagitan ng nakalaan na programa ng gobyerno para sa kanilang pagbabagong buhay.