Alcala, Cagayan – Kinondena ng pamunuan ng 17th IB, 502IB, 5ID, Philippine Army ang mga insidente ng panununog ng heavy equipment at pagdisarma sa mga barangay officials sa dalawang magkahiwalay na insidente sa magkatabing bayan ng Buguey at Sta Teresita, Cagayan.
Ang mga insidente ay nangyari kaninang umaga ng Oktubre 7, 2017.
Sa panayam ng RMN Cauayan News kay LtCol Camilo Saddam, ang Commanding Officer ng 17th IB, kanyang ipinaabot ang pagkondena sa magkahiwalay na insidente na inako ng Henry Abraham Command ng NPA.
Bandang 6:40 umaga ng Oktubre 7, 2017 ay sinunog ng tinatayang bilang na 30 na mga NPA ang isang backhoe at dumptruck na pagmamay ari ng Datag Construction at isang backhoe na pagmamay ari ng Tibok Construction sa isang quarry area sa Barangay Dungeg, Sta Teresita, Cagayan.
Samantala bandang 7:30 ng umaga ng parehong araw ay dinisarmahan ng mga armadong NPA na umanoy umaabot sa bilang na sampu ang mga barangay officials ng barangay Tabbac at at Villasielo ng bayan ng Buguey kung saan ay nakakuha sila ng limang shotgun at isang kalibre trentay otso na baril.
Wala namang nasaktan sa dalawang magkahiwalay na pangyayari.