Fort Magsaysay, Nueva Ecija – Patay ang isang kasapi ng kumunistang New People’s Army(NPA) sa engkuwentrong nangyari sa Lalawigan ng Abra kaninang 7:30 ng umaga, Pebrero 11, 2018.
Sa impormasyong ipinaabot ni 1Lt Catherine Hapin, ang pinuno ng 7ID, PA Public Affairs Office sa RMN Cauayan News, nangyari ang engkuwentro sa Brgy. Ud-udiao, Sal-lapadan, Abra.
Ang tropang nakalaban ng mga NPA ay ang 24th Infantry Battalion ng 7th Infantry (Kaugnay) Division, Philippine Army.
Ayon sa impormasyon na galing kay 1Lt Hapin, ang Charlie Company ng 24IB na pinamumunuan ni 1lt Ricardo Francisco Jr ay nagsagawa ng pagpapatrol sa area ng Sitio Mabongtot sa Brgy Ud-udiao sanhi ng mga sumbong ng mga taga roon tungkol sa umano’s extortion ng mga NPA.
Nagtagal ang labanan ng 28 minuto kung saan ay umatras agad ang mga NPA.
Naiwan nila ang isa nilang patay na kasamahan at narekopber din ng tropa ng Charlie Company 24th IB ang tatlong M16 rifles, isang carbine at isang Icom radio.
Walang naitalang casualty sa mga sundalo o sibilyan sa nangyaring engkuwentro.
Sinabi naman ni MGenl Felimon Santos Jr, ang commanding general ng 7th ID na ang kanyang pamunuan ay resolbado na walisin ang mga terroristang NPA sa Lalawigan ng Abra at di sila titigil hangang hindi mawawala o kaya ay susuko ang huling NPA sa naturang lalawigan.