Sang-ayon si Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe sa pagkadismaya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa serbisyo ng Telecommunication Companies o Telcos dahil sa napakabagal na internet service sa bansa.
Pero giit ni Poe, bukod sa Telcos, dapat ay kinastigo rin ni Pangulong Duterte ang mga Local Government Unit (LGU) at ang National Telecommunications Commission (NTC).
Ayon kay Poe, ito ay para matigil na ang pag-ipit at pag-delay sa mga permit na hinihingi ng Telcos para makapagtayo ng cell towers.
Diin pa ni Poe, dapat ay nakatutok ang NTC para pabilisin ang pagkilos ng Telcos sa pagpapabuti ng serbisyo nito na lubhang kailangang ngayong may pandemya.
Kaugnay nito ay pinapaayos naman ni Poe sa government regulators at Telcos ang hindi magkakatugmang data kaugnay sa bilang ng cell towers sa bansa at eksaktong lokasyon ng mga ito.