Manila, Philippines – Humihiling ngayon ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na gawing dalawang araw ang number coding ng bawat sasakyan sa Metro Manila.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, nakiusap si MMDA Chairman Danilo Lim sa publiko na dagdagan pa ang sakripisyo para solusyunan ang matinding traffic sa Metro Manila.
Giit ni Lim, mayroong 2.5 milyon hanggang 2.6 milyon na rehistradong sasakyan sa NCR at ito ay 30 porsyento ng lahat ng sasakyan sa buong bansa.
Tinukoy din nito na kulang sa imprastraktura at kalsada sa Metro Manila dahil ang road network ay nasa 5 porsyento lamang.
Dahil sa pagtaas ng volume ng mga sasakyan at sa kakulangan sa kalsada, sinabi ni Lim na gawing dalawang beses sa isang Linggo ang number coding.
Aminado si Lim na napakahirap gumawa ng solusyon na kulang sa imprastraktura at kalsada ngunit padami naman ng padami ang mga sasakyan.