Gagawin muli ng National Nutrition Council (NNC) na maibalik ang Nutribun Feeding Program.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni NNC Executive Director Assistant Secretary Azucena Dayanghirang na ito ay isang paraan para matugunan ang problema sa malnutrisyon ng mga bata sa Pilipinas.
Aniya, hindi lamang sa mga batang nasa mga eskwelahan ang mithiin nilang mabigyan ng libreng nutribun kundi maging ang mga batang 0 hanggang 5 limang taong gulang at mga buntis.
Ang nutribun ayon kay Dayanghirang ay isang tinapay na unang inilabas noong 1970 bilang bahagi ng feeding program ng pamahalaaan.
Ito ngayon ay ginawa nang fortified o enhanced nutribun o mas masustansiyang bersyon ng orihinal na nutribun, mas maraming taglay na enerhiya, protina at bitamina na matitikman sa iba’t ibang lasa o tulad ng kalabasa, malunggay, kamote, ube at carrot.
Sinabi pa ni Dayanghirang, maraming nutrisyon ang makukuha rito tulad ng micro nutrients o vitamin a, potassium, calories, at protina na ang katumbas ay halos dalawang tasang kanin na.
Sa ilalim ng Nutribun Feeding Program, imo-monitor at titimbangin ang bata sa loob ng 120 araw para makita kung nag-improve ang kalusugan nito.