Titiyakin ng National Vaccination Operations Center (NVOC) na mas pulido na ang pagdaraos ng ikalawang round ng Bayanihan, Bakunahan na gaganapin sa Decemer 15 hanggang 17.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NVOC Chairperson at Health Usec. Myrna Cabotaje na gagawin nilang mas madali ang proseso ng pagpapabakuna sa ikalawang yugto ng National Vaccination Days.
Sa ngayon kasi inirereklamo ng ilan ang mahabang pila sa registration, habang ang iba naman ay hindi na-accommodate.
Bilang tugon, lalawakan aniya ng pamahaaan ang itatalagang lugar para dito.
Gagawan rin aniya ng paraan upang lahat ng walk-ins sa mga vaccination site ay maturukan ng bakuna at walang uuwi na hindi nababakunahan.
Matatandaan na una nang sinabi ng National Task Force (NTF) na ang ikalawang yugto ng bakunahang ito ay upang mapataas pa ang bilang ng mga mababakunahan laban sa COVID-19, bago mag-Pasko sa layuning makamit ang population protection.