Hinikayat ng opisyal ng simbahan ang pamahalaan na tutukan sana ang pangangailangan ng mamamayan.
Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, mahalagang bigyang prayoridad ang kasalukuyang suliranin sa kalusugan ng tao at ekonomiya.
Aniya, kung ang talagang ang problema ngayon ay COVID-19, dapat ang atensyon at ang pondo ay inilagay na lamang dito para matugunan muna ang pangangailangang pangkalusugan at ekonomiya ng mga tao.
Ang mensahe ng obispo ay kasunod ng muling pagtatambak ng mga dolomite sa Manila Bay bilang bahagi ng Manila Bay Rehabilitation Program na inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Dismayado si Bishop Pabillo sa mga hakbang ng pamahalaan na inuuna ang hindi napapanahon at pinag-aralang proyekto na una nang binatikos makaraang anurin sa dagat ang mga artificial na buhangin nang manalasa ang bagyo noong nakalipas na taon.
Lalong ikinadismaya ng obispo ang pagpapatuloy ng dolomite project dahil marami ang nawalan ng trabaho at walang sapat na pambili ng pagkain ang mamamayan noong muling ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) ng dalawang linggo sa National Capital Region (NCR) at karatig lalawigan.
Ang naturang proyekto na nagkakahalagang 389 milyong piso ay pinaniniwalaang hindi dumaan sa wastong pag-aaral.
Umaasa si Bishop Pabillo na mas higit na tutugunan ng pamahalaan ang pangunahing pangangailangan ng publiko tulad ng pamamahagi ng ayuda at pagpapalakas sa vaccination rollout na makatutulong mabawasan ang epekto ng COVID-19.