Cauayan City, Isabela- Pinaghahandaan na rin ng mga Local Government Units (LGUs) sa Lambak ng Cagayan ang posibleng epekto ng Bagyong Bising.
Ito ay sa kabila ng nakataas na ang storm signal no. 1 sa eastern portion ng Isabela, Southern Portion ng Cagayan at Northeastern Portion ng Quirino Province.
Ayon kay OCD Regional Director Harold Cabreros, nakaraang linggo pa ng magsagawa sila ng pre-disaster risk assessment sa mga LGUs para paghandaan ang posibleng epekto ng bagyo.
Sa kasalukuyan aniya ay patuloy ang ginagawang pagbabantay ng mga otoridad sa lagay ng panahon kasabay ng pagpapalabas ng memorandum sa mga safety measures na posibleng gawin ngayong banta ang kalamidad.
Ayon pa kay Cabreros, nakahanda na rin ang lahat ng evacuation centers para sa mga residenteng posibleng ilikas dahil sa sama ng panahon.
Pinatitiyak rin ng OCD na masigurong masusunod ang standard health protocol para maiwasan naman ang posibleng hawaan ngayong may banta pa rin ng pandemya kung sakaling magkaroon ng paglikas sa mga evacuation centers.
Samantala, mahigpit na ipinag-utos ang pagbabawal sa pangingisda at pagpalaot ngayong may epekto ang bagyo sa malaking bahagi ng rehiyon dos.