Cauayan City, Isabela- Asymptomatic o walang sintomas ang isang OFW na lalaki na kauna-unahang naitalang nagpositibo sa COVID-19 sa bayan ng Angadanan, Isabela.
Ang pasyente ay isang 41 taong gulang na lalaki na nagtrabaho sa Abu Dhabi at nakauwi sa kanilang lugar sa Barangay San Vicente noong noong June 6, 2020.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Joelle Mathea Panganiban, kasalalukuyan nang ginagamot at binabantayan sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Lungsod ng Santiago ang pasyente.
Una rito, dumating ang pasyente noong April 18, 2020 sa Manila at sumailalim sa 14-day mandatory quarantine.
Sumailalim din ito sa RT-*PCR noong May 31 at lumabas ang resulta nito noong June 2, 2020 na negatibo sa COVID-19.*
*Noong June 5, 2020*, nabigyan ito ng clearance mula sa OWWA at umuwi rin sa parehong araw mula Manila patungong bayan ng Angadanan sa pamamagitan na rin ng OWWA bus at nakauwi sa kanilang lugar noong June 6, 2020 matapos na mabigyan ng home clearance para sa home quarantine.
Nilinaw ng alkalde na hindi sa ilalim ng programang Balik Probinsya Program ng Isabela ang pag-uwi ng naturang pasyente.
Nabatid na ang naturang pasyente ay nakasabay ang ilang mga OFW na nagpositibo sa Tabuk City kaya’t agad din na kinuha ang pasyente noong June 13 at isinailalim sa swab test hanggang sa lumabas ang resulta nito kahapon, Hunyo 15, 2020 na positibo ito sa COVID-19.
Kaugnay nito, isinailalim na sa ‘Total lockdown’ ang barangay San Vicente kung saan nakatira ang pasyente bilang bahagi ng kanilang contact tracing.