Puno ng pighati at kalungkutan ang sumalubong sa naramdaman ng pamilya’t kamag-anak nang maiuwi na sa kanilang bahay sa Concepcion, Solano, Nueva Vizcaya ang bangkay ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nasawi matapos umanong magpakamatay sa bansang Singapore.
Ang bangkay ni Cely Alcantara-Estrella 37 anyos, hiwalay sa asawa, residente ng Concepcion, Solano, Nueva Vizcaya at nagtungo sa Singapore noong November 18, 2018 ay naiuwi nitong ika-27 ng Hulyo ng madaling araw.
Kasama sa mga nagdala pauwi sa bangkay ng OFW ay ilang opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Labis na nagpapasalamat ang pamilya ni Estrella sa mabilis na aksyon para maiuwi na ang bangkay ng OFW at kasamang pinasalamatan din nila ang ilang pinunong lokal sa Nueva Vizcaya na tumulong sa kanila.
Nagpakamatay umano si Estrella sa pamamagitan ng pagtalon mula sa isang gusali sa kanyang pinagtratrabahuhan sa bansang Singapore.
Samantala, bago naiulat na namatay ang pinay ay nakita siya sa kanyang live video sa social media na sinisisi niya ang dalawang tao sa paghack sa kanyang Facebook account at naglagay umano ng mga impormasyon na nakaapekto sa kanyang pamilya na dahilan umano ng kanyang pagpapatiwakal.