ANTIQUE – Naantala ang nakatakda sanang pagbabalik ng 27-anyos na babae sa United Arab Emirates (UAE) para magtrabaho nang magpositibo ito sa COVID-19 ilang araw bago ang kanyang flight.
Hulyo 23 nang magpa-swab test umano ang hindi pinangalanang overseas Filipino worker (OFW), tubong San Jose, Antique bilang paghahanda sa kanyang paglipad.
Lumabas ang resulta makalipas ang tatlong araw ayon kay Mayor Elmer Untaran kung saan nakumpirmang positibo ito.
Sa report ng The Filipino Times, ito ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa lugar.
Agad isinailalim sa test ang 10 miyembro ng kanyang pamilya na nakasama niya mula pagdating sa Pinas noong Marso.
Lahat sila ay nagnegatibo sa rapid diagnostic tests (RTD) na lumabas noong Lunes.
Samantala, pito sa kanyang mga kaibigan at kaanak na nagpunta sa despidida ay sumailalim naman sa home quarantine ayon sa municipal health officer ng lugar, Dr. Melba Billones.
Kinailangan daw i-monitor ang mga ito sa susunod na pitong araw para alamin kung may sintomas ng COVID-19.
Hindi pa rin malinaw kung paano nahawa ng coronavirus ang naturang OFW.