OFW na pinatay sa Kuwait, ginahasa at makailang beses binugbog – NBI

Contributed Photo

Paalala: May ilang sensitibong bagay ang naisulat sa artikulong ito. Importante ang patnubay sa mga menor de edad o wala pa sa tamang disposisyon na maaring makabasa ng ganitong istorya. 

Karumal-dumal ang sinapit ng nasawing overseas Filipino worker (OFW) na si Jeanelyn Villavende sa kamay ng mga amo niya sa Kuwait, base sa resulta ng awtopsiya ng National Bureau of Investigation (NBI).

Lumabas sa pagsusuri na halos mapuno ang katawan ni Villavende ng pasa at sugat.


Sa panayam kay Dr. Ricardo Rodaja, hepe ng NBI medico-legal division, sinabi niyang tadtad ng latay at bugbog-sarado ang likod ng biktima.

Aniya, maaring pinagmamalupitan ang Pinay domestic helper ilang linggo o buwan bago siya bawian ng buhay.

Pati raw ang ulo at tainga ni Villavende, may bakas ng pananakit.

Bukod sa pisikal na pang-aabuso, hinalay rin ang kababayan dahil nakitaan siya ng laceration o hiwa sa pribadong parte ng katawan.

Dagdag pa ni Rodaja, may pinasok na matigas na bagay sa puwet ng kababayan na kinumpirma din mismo ng Kuwaiti police sa isinagawa nilang imbestigasyon.

Nauna nang kinastigo ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III ang pamahalaan ng Kuwait bunsod ng “palpak” na awtopsiyang inilabas ukol sa pagkamatay ng 26-anyos na residente ng Norala, South Cotabato.

Iginiit ng kalihim na hindi malinaw ang report ng Kuwaiti authority hinggil sa totoong sinapit ni Villavende, dahilan para makipag-ugnayan sila sa NBI para magsagawa ng re-autopsy.

Ipinatupad na din ng kagawaran ang total deployment ban sa naturang bansa.

Facebook Comments