OFW sa Singapore, patay nang mahulog umano habang nagla-live video

Isang overseas Filipino worker (OFW) sa Singapore ang napaulat na nasawi matapos mahulog sa isang gusali.

Kinilala ang biktima na si Cely Estrella, 37-anyos mula sa Solano, Nueva Vizcaya.

Ayon sa impormasyo na nakarating kay officer-in-charge Regional Director Luzviminda Tumaliuan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)-Region 2, na naiulat ng Bombo Radyo, nagla-live video raw ang biktima sa balkonahe ng building nang bigla itong maputol, umaga nitong Miyerkules.


Makalipas ang 30 minuto mula nang naputol ang live video, saka umano nakatanggap ng balita ang pamilya ng Pinay na patay na ito.

Nobyembre nakaraang taon nang magtungo si Estrella sa Singapore para magtrabaho.

Nakikipag-ugnayan naman na ang gobyerno sa Singapore upang malaman ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Inaasikaso rin ng OWWA ang tulong na ipaaabot sa naiwang pamilya ng OFW at proseso ng pag-uwi ng mga labi nito sa bansa.

Facebook Comments