Nilinaw ng Department of Health (DOH) na maraming ebidensya ang nagpapakita na ang Omicron variant ay nagreresulta lamang ng mild COVID-19 sa mga pasyente.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nakikipag-ugnayan na siya kay World Health Organization (WHO) Country Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe hinggil sa Omicron variant.
“Tingnan natin, habang pumapasok ang karagdagang kaalaman patungkol sa Omicron variant. At so far, kahapon sa ating pakikipagpulong sa WHO Country Representative, si Dr. Rabindra Abeyasinghe, sinabi niya na lumalaki ang datos na nagpapakita na mukhang mild ang symptoms and no deaths reported as of yet patungkol sa Omicron variant.”
Sinabi rin ni Duque na wala pang indikasyon na nakapasok na sa bansa ang nasabing variant lalo na’t wala pa ang resulta ang sequencing na isinasagawa ng Philippine Genome Center (PGC).
“Well, sa ngayon wala pa tayong resulta noong sequencing na isinasagawa kasalukuyan ng Philippine Genome Center. Hayaan ninyo dahil kapag nagkaroon ng submission ay ibabahagi natin sa ating media partners katulad ninyo, kayo ang unang makakaalam patungkol dito kung talagang mayroon na tayong Omicron through a genome sequencing.”