Online campaigning, kailangan muna ng pag-amyenda sa batas

Nagbabala si Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin na posibleng maharap sa legal at praktikal na hamon ang isinusulong na “online campaigning” para sa halalan sa 2022.

Giit ni Garbin, mangangailangan ng pagamyenda muna sa Republic Act 7166 na siyang batas para sa election campaigns and expenditures.

Kakailanganin din aniyang pataasin ang pinapayagang campaign expenditure ng bawat kandidato at political party para mabigyan sila ng legal na basehan para gumastos sa ad campaigns sa TV, radyo at social media.


Gayunman, sinabi ni Garbin na papabor lamang ito sa mga mayayaman o mga kandidatong may pera, habang dehado ang mga walang panggastos.

Dagdag ng kongresista, sakali mang matuloy ang pagbabawal sa face-to-face na pangangampanya ay maaapektuhan ang abilidad ng mga botante na makapili ng mga susunod na lider ng bansa, dahil sa limitadong saklaw ng broadcast media, social media at iba pang kahalintulad na platform.

Paalala ni Garbin, hindi naman lahat ng mga Pilipino ay mayroong internet at hindi rin lahat ay inaabot ng mga telebisyon at radyo.

Facebook Comments