*Cauayan City, Isabela*- Ipinag-utos ng Pamahaalang Panlalawigan ng Cagayan sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ang pansamantalang pagbabawal sa pagsasagawa ng online classes at projects matapos ang samu’t saring reklamo ng mga mag aaral at magulang na nakarating sa tanggapan ng gobernador.
Ito ay batay sa nakasaad sa Executive Order No. 12 na pirmado ni Governor Manuel Mamba.
Ayon sa kautusan, dahil sa takot na rin na bumagsak sa naturang mga subject ay napipilitang lumabag sa pangkalahatang kautusan ang mga mag aaral sa ilalim ng enhanced community quarantine dahilan para ang mga ito ay lumabas upang maghanap ilang remedyo sa kanilang takdang aralin.
Kabilang dito ang inaasahang paglabas ng mga aaral upang magtungo sa mga internet shop o di kaya ay sa kanilang mga dormitory dahil sa mahinang suplay ng connection bagay na inalmahan ng mga magulang dahil imbes na matututukan ang pang araw-araw na gastusin ay dagdag din sa gastos ang ganitong sitwasyon ng mga mag aaral.
Inatasan din ng gobernador ang lahat ng mga guro, school heads o administrator na hindi maaring bigyan ng failing grades ang mga mag aaral na di sumunod sa kautusan ng paaralan dahil maaari silang patawan ng kasong administratibo o kriminal.