Online Classes sa Quirino Province, Problema sa kakulangan ng Cell Site

Cauayan City, Isabela- Pinag-aaralan ngayon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quirino ang paraan kung paano makakasabay ang lahat ng mga mag-aaral sa nalalapit na pasukan ngayong hirap sa pagkuha ng signal para sa isasagawang ‘online classes.’

Sa isinagawang press briefing, inihayag ni Governor Dakila Carlo ‘Dax’ Cua na kinakailangan pa munang mapalawak ang pagkakaroon ng cell site sa buong probinsya lalo pa’t napapaligiran ng kabundukan ang malaking bahagi nito.

Dagdag pa ng gobernador, bagama’t plano ang pamimigay ng libreng radio, cellphone ay uunahin muna ang koordinasyon sa mga telco company na siyang mangangasiwa para madagdagan ng mga itatayong cell site at hindi maging mahirap para sa ilan ang kawalan ng koneksyon sa internet.


Ipinunto pa ng opisyal na may ilang lugar sa lalawigan ang hirap pa na makakuha ng maayos na koneksyon sa paggamit ng telebisyon.

Sa ngayon, malaking hamon aniya ito sa pagitan ng Department of Education at Lokal na Pamahalaan ng Quirino sa pagpapatupad ng online classes.

Ilan sa option ay ang pagkakaroon ng module na siyang alternatibong paraan para masigurong walang mag-aaral ang mahuhuli sa nalalapit na pagbubukas ng pasukan sa darating na Agosto 24.

Facebook Comments