
Nakatakdang i-ban ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang online game na Roblox na kinahuhumalingan ng mga kabataan sa panahon ng Semana Santa.
Kasunod na rin ito ng pakikipagpulong ng CICC sa National telecommunications commission o NTC at sa iba’t ibang mga telecommunication companies para sa planong pagba-block sa internet ng roblox online game.
Una nang ipinag-utos ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na i-monitor ang Roblox at iba pang laro online dahil sa posibilidad na nagagamit ang mga ito sa iba’t ibang krimen kabilang ang sexual predation, grooming, exploitation ng mga menor de edad at recruitment sa karahasan.
Ayon kay CICC Executive Director Usec. Renato “Aboy” Paraiso, na una nang binigyan ng 30-araw na ultimatum ang developer ng Roblox hanggang sa ibaba sa 15-days para magpaliwanag pero hindi tumugon ang nabanggit na dayuhang online platform.
Babala ng opisyal, kung ang dahilan lang ng pakikipag-usap ng developer at mga opisyales ng Roblox ay magpaliwanag ng kanilang kapalpakan na mabigyang-proteksyon ang kaisipan ng mga kabataang Pinoy ay nagsasayang lamang sila ng oras.










