Iminungkahi ni Committee on Social Services Chairman Alfred Vargas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa mga Local Government Units (LGUs) na magtalaga ng “online grievance desks” para sa mga reklamong may kinalaman sa pamamahagi ng ayuda mula sa pamahalaan.
Ang suhestyon ng kongresista ay bunsod na rin ng inaasahang pagdagsa ng reklamo kaugnay sa pagsisimula ng pamimigay ngayong araw ng ayuda para sa mga apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Ayon kay Vargas, bagama’t nag-set up ng grievance mechanisms ang DSWD at mga LGU para dito idulog ng publiko ang problema kaugnay sa cash aid, mas mainam pa rin kung may grievance desks sa online upang maisaalang-alang ang interes sa kalusugan at kaligtasan ng mga benepisyaryo.
Inirekomenda ni Vargas sa DSWD at LGUs na magbukas ng special section sa kanilang mga social media accounts tulad ng Facebook o website para dito tatanggapin at sasagutin ang mga hinaing o reklamo ng mga kababayan.
Sa pamamagitan aniya ng online grievance desk ay mababawasan ang physical contact lalo pa’t pinag-iingat tayo ngayon sa mas nakakahawa at mas mapanganib na COVID-19 Delta variant.
Pinatitiyak din ng kongresista na sa oras na mailapit sa concerned agencies at tanggapan ang mga reklamo sa ayuda sa online ay dapat itong resolbahin agad sa lalong madaling panahon.