Bukas, Huwebes, Agosto 27, ay ipagdiriwang ni Senadora Leila de Lima ang kanyang ika-61 kaarawan at ito ay ikaapat niyang kaarawan na idadaos sa PNP Custodial Center, Camp Crame.
Kaugnay nito, mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-11 ng gabi, ay isang online jamming kasama ang ilang mga musikero, artista, aktibista, political at religious lider ang magsasama- sama para sa isang gabi ng “online community jamming” na pinamagatang Leilaya! Tinig at Musika para sa Diwang Malaya.
Ang selebrasyon ay pangungunahan ng grupong Free Leila de Lima Movement (FLM) at kabilang sa mga magtatanghal ay sina Ebe Dancel, Bayang Barrios, Bituin Escalante, Ria Atayde, Miko Morales, Juan Miguel Severo, Angel Aquino, at Michael de Mesa.
Makikibahagi rin dito sina Vice President Leni Robredo, at Senators Kiko Pangilinan, at Risa Hontiveros.
Inaasahang magbibigay rin ng mensahe sina Archbishop Socrates Villegas, Bishop Ambo David, at iba pang religious at civil society leaders.
Ayon kay De Lima, ang kaniyang birthday celebration ay hindi lang tungkol sa kaniya kundi sa pagnanais din ng kaniyang mga taga-suporta na ipaglaban ang kalayaan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.