Online job fairs, hiniling ng Kamara na palakasin

Photo Courtesy: Southern Luzon State University Website

Inirekomenda ni Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar na mas paigtingin pa ang online job fairs sa bansa ngayong pandemya.

Sa inihaing House Resolution 1597 ni Villar, pinapakilos nito ang Department of Labor and Employment (DOLE), Civil Service Commission (CSC) at ibang kaukulang ahensya na palakasin at paigtingin ang mga online careers upang matugunan ang problema sa unemployment at para matulungan ang muling pagbangon ng ekonomiya.

Naniniwala si Villar na mas kailangan mag-innovate ngayon ang mga ahensya ng gobyerno sa pagbibigay ng job opportunities upang maabot ang mga displaced workers at iba pang nawalan ng hanapbuhay dahil sa global health crisis.


Karamihan aniya sa mga sektor na nawalan ng trabaho ngayon ay kabilang sa manufacturing, transportation and storage, accommodation and food service, gayundin sa arts, entertainment at recreation.

Tinukoy pa ng kongresista na mas tumataas din ngayon ang virtual career platforms para tulungan ang mga aplikante na mabilis na makahanap ng oportunidad sa kabila ng hamon dulot ng pandemya.

Nito lamang Disyembre, aabot sa 21,000 na trabaho ang inalok sa isinagawang online job fair na pinangunahan ng DOLE at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kung saan 600 domestic firms at 15 recruitment agencies ang nakibahagi sa aktibidad.

Facebook Comments