Online recruiter ng Maute-ISIS group, naghain ng counter affidavit sa DOJ sa kasong rebelyon

Manila, Philippines – Naghain ng counter affidavit sa Dept. of Justice ang Filipina online recruiter ng ISIS na nahaharap sa kasong rebelyon.

Si Karen Aizha Hamidon , 36 years old ay unang naaresto sa Taguig City noong October 11,2017.

Sa kanyang kontra salaysay, itinanggi ni Hamidon na nagsasagawa siya ng online recruitment o nanghihikayat siya gamit ang social media para mapalakas ang operasyon ng Maute-ISIS group.


Aniya, isa lamang siyang babae na walang kakayahan financially, physically, emotionally at psychologically na manghikayat para sa rebelyon.

Si Hamidon ay maybahay ni Mohammad Jaafar Maguid alyas Tokboy at Abu Sharifa na dating lider ng Ansar Khalifa Philippines.

Ang nasabing grupo ay responsable sa pagpapasabog sa Davao City night market noong Sept. 2016.

Si Hamidon ay naging person of interest matapos na makumpirma ang matagumpay na pagrecruit nito ng Indian nationals para pumunta sa Pilipinas at lumahok sa radical Islamic extremist groups sa Mindanao.

Una na ring kinumpirma ni Justice sec. Vitaliano Aguirre na bukod sa pagiging dating asawa ni Singaporean ISIS member Muhammad Shamin Mohammed Sidek, si Karen Aizha Hamidon ay kaalyado rin ni Musa Cerantonio na isang Australian Islamist preacher at maraming nahikayat na dayuhan para sumanib sa ISIS.

Facebook Comments