
Ipinasara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang isang online selling operation sa Cebu matapos matuklasang hindi umano nagdeklara ng mahigit ₱200 million na benta nito.
Ayon sa BIR, ikinasa ang operasyon sa ilalim ng Oplan Kandado matapos ang imbestigasyon ng BIR Regional Investigation Division sa Central Visayas.
Nagbebenta ng luxury goods ang online seller sa pamamagitan ng Facebook Live at iba pang digital platforms pero lumabas na wala umanong official receipts at hindi ito nakarehistro sa BIR.
Lumabas na mahigit ₱211 million ang kabuuang halaga ng benta ng negosyo na may minimum tax liability na mahigit ₱40 million.
Sa ngayon ay hinahanap na ang indibidwal na nasa likod ng operasyon na hindi umano tumutugon sa mga abiso ng ahensya.
Habang inihahanda na rin ang posibleng tax assessment at kasong kriminal laban sa online seller sa ilalim ng Run After Tax Evaders o RATE program.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Mendoza, mananatiling mahigpit ang ahensya sa pagpapatupad ng batas upang matiyak na sumusunod sa buwis ang lahat ng negosyo maging online man o pisikal.










