OPAPP Sec. Galvez, Pinangunahan ang Pagsira sa mga Isinukong Armas ng mga Dating Kasapi ng CPLA

Cauayan City, Isabela- Pinangunahan ni Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Secretary Carlito Galvez Jr. ang pagsira sa mga isinukong armas ng mga dating kasapi ng Cordillera Bodong Administration-Cordillera People’s Liberation Army (CBA-CPLA) sa kanyang ginawang pagbisita sa Camp Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet.

Kasama rin sa nasabing aktibidad ang AFP Northern Luzon Command Commander MGen Arnulfo Marcelo Burgos Jr., Commanding General ng 5th Infantry Division, Philippine Army na si Brigadier General Laurence Mina at iba pang matataas na opisyal ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.

Nasa kabuuang 444 na iba’t-ibang uri ng mga armas ang nainventrory sa ilalim ng Disposition of Arms na isa sa mga bahagi ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Philippine Government at CBA-CPLA.


Magugunita noong November 21, 2013, nasa 27 na mga bomba ang pinasabog ng mga kinauukulan bilang bahagi na rin ng kasunduang nilagdaan sa pagitan ng ahensya ng pamahalaan at CBA-CPLA na layong magkaroon ng ceasefire sa magkabilang partido na tinawag na Mt. Data Peace Accord o Sipat.

Sa naging mensahe ni OPAPP Sec Galvez, pinatitiyak nito na ang ginawang pagpapakumbaba at pagbibigay ng armas ng mga dating kasapi ng CPLA ay mabibigyan ng karampatang tulong na kapalit.

Pinuri naman ni BGen Mina ang ginawang desisyon ng mga nagsuko ng armas maging ang ginawang pagtulong ng mga nasa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno para tuluyang makamit ang inaasam na kapayapaan at katahimikan sa Cordillera region.

Facebook Comments