Operasyon laban sa mga nakakulong na drug traffickers, mas pinaigting ng PNP, BJMP at BuCor

Mas naging mahigpit ang ugnayan ngayon ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor) para matutukan ang galaw ng inmates na patuloy na nakakapagsagawa ng drug transaction sa loob ng bilangguan.

Ginawa nila ang mas pagtututok sa mga ito matapos na makuha sa isang detainee sa Cebu City Jail sa ikinasang buy-bust operation ang P6.9 milyong halaga ng shabu.

Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, hindi nauubusan ng paraan ang mga sindikato sa pagbebenta ng ilegal na droga kaya hindi rin sila nauubusan ng diskarte para hulihin sila.


Sinabi pa ni PNP Chief na naumpisahan na nila sa Bilibid noon ang pagtutok sa drug traffickers pero mas lalo pa nilang paiigtingin ngayon kasama ang BJMP at BuCor.

Pinuri naman ni PNP Chief ang Cebu City Police dahil sa pagkakaaresto sa dalawang suspek sa isinagawang buy-bust operation na aniya may koneksyon sa mga inmate sa Cebu City Jail para sa drug transactions.

Utos namam ni Eleazar sa mga local police na magsagawa ng imbestigasyon para matukoy kung may mga tauhan ang inmates na patuloy nakakapagsagawa ng drug transactions.

Facebook Comments