Cauayan City, Isabela- Nagsimula na ngayong araw ang operasyon ng COVID-19 Testing Laboratory ng Department of Health Region 2.
Ayon kay Dr. Leticia Cabrera, OIC Regional Director ng DOH-RO2, sinabi niya na mapapabilis ang pagsasailalim sa mga swab testing sa mga kukuhanan ng specimen mula sa iba’t ibang ospital sa rehiyon.
Dagdag pa ng opisyal, aabot sa hanggang 36 na susuriing specimen ang kapasidad ng makina sa loob lamang ng walong oras.
Hiniling naman ni Dr. Cabrera na madagdagan pa ang makina na kanilang ginagamit sa ngayon upang mas lalong maparami ang mga susuriin para sa swab test.
Nakiusap naman ito sa publiko na halos mag-iisang buwan ng walang naitatalang kaso ng COVID-19 sa rehiyon ay kinakailangan pa rin aniya na paigtingin ang pagsunod sa kautusan para manatiling COVID-19 Free ang buong Lambak ng Cagayan.