Operasyon ng Ethanol sa San Mariano, Ipinatitigil!

San Mariano, Isabela – Dapat umanong itigil ng Green Future Innovations Incorporated (GFII) ang ginagawang operasyon ng Bio Ethanol dahil sa wala pa itong papeles na nagpapahintulot upang mag-operate mula sa DENR Central Office.

Ito ang naging pahayag ni ginoong Nelson Honrado, pinuno ng Environmental Management Bureau (EMB) na nakahimpil sa lungsod ng Ilagan, sa isinagawang diyalogo kahapon, Pebrero 23, sa pagitan ng mga opisyal ng barangay, kawani ng GFII at EMB Isabela.

Lumabas na wala pa ring ibinibigay na kaukulang permiso ang DENR Central Office para mag-operate ang planta ng Ethanol.


Dahil sa isang reklamo na natanggap ng ahensya mula sa isang concerned citizen na dumulog sa hotline 8888, napag-alamang patuloy pa rin at patago ang ginagawang operasyon ng nasabing planta.

Matatandaan na ilang beses na ring inireklamo ang naturang planta dahil sa masangsang na amoy na lumalabas tuwing nag-ooperate ito at maging ang pagbuga ng mga abo na nakakaperwisyo sa mga mamamayan malapit sa naturang planta.

Dahil sa natuklasan ng EMB Isabela, inatasan nito ang Pollution Control Officer ng Ethanol na pansamantalang itigil muna ang kanilang operasyon upang hindi na lumala ang sitwasyon at maiwasang humantong sa tuluyang pagpapasara sa naturang planta.

Ayon naman kay ginoong Romy Ecraela, pollution control officer ng GFII, kaagad niyang ipaparating ang nasabing kautusan ng EMB Isabela sa mga nakakataas na opisyales ng  planta.

Facebook Comments