Ipinatigil ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang operasyon sa anti-jaywalking unit kahapon.
Ito ay matapos na mahuli ang kanilang mga miyembro na namemeke ng mga resibo sa mga motoristang lumalabag sa mga panuntunan sa kalsada.
Kinilala ang mga traffic aide na sina Joanna Eclarinal, Jonathan Natividad at Frederick Arucan.
Ayon kay EDSA MMDA General Manager Jojo Garcia, agad nilang inaksyunan ang nasabing isyu matapos silang makatanggap ng report tungkol sa pamimigay ng mga pekeng resibo ng kanilang mga tauhan.
Dagdag pa ni Garcia, iniimbestigahan na din nila ang 48 pang mga miyembro ng anti-jaywalking unit na nagsagawa din ng pamemeke.
Pananagutin naman ng National Bureau of Investigation (NBI) ang printing office kung saan pinagagawa ng mga suspek ang mga pekeng resibo na halos P150,000 kada buwan ang kanilang kinikita.
Dahil dito hindi muna maaaring manghuli ang mga anti-jaywalking unit kundi ang mga lokal at ibang MMDA enforcer muna ang maaaring manghuli habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa mga pasaway.
Hawak na ngayon ng Makati City Jail si Eclarinal habang patuloy na tinutugis ng NBI ang dalawa pa na sina Natividad at Arucan.
Nagpaalala naman si Garcia sa mga natiketan ng kanilang tauhan na agad na magreklamo sa kanilang tanggapan at huwag sa mga enforcer.