General Santos City—Malaki ang paniniwala ng pamilya ng Municipal Councilor ng Palimbang, Sultan Kudarat na si Noren Apil , 54, na may bahid pulitika ang isinagawang search operation sa bahay nito na naging sanhi ng kanyang kamatayan at asawa nitong si Juliet Bitayo , 46, parehong taga Purok 16, Barangay Fatima Gensan noong Sabado ng gabi.
Sa report ng CPDEU nanlaban ang mag-asawa kasabay sa isinagawang Search Warrant Operation kung saan nakipagbarilan umano ito sa pulisya pero dahil marami ang mga pulis, natamaan ang dalawa na agad namang isinugod sa Hospital pero idiniklarang dead on arrival.
Nakuha naman sa bahay ng dalawa ang ilang sachet ng pinaniniwalaang shabu na may timbang na 7.6 grams na nagkakahalaga ng P86,000.00, cal. 45 na baril, mga magazine, bala at dalawang 38 revolver.
Ang dalawa ay kinokonsiderang high value target at kasama sa listahan ni President Rodrigo Duterte na involved sa illegal drugs.
Taliwas naman sa report ng PNP ang pahayag ng mga kaanak ng municipal councilor at asawa nito. Iginiit nilang walang shabu na narekober mula sa balay ng dalawang suspek at hindi rin sila nanlaban sa pulisya.