*Cauayan City, Isabela*- Inihahanda na ngayon ng Department of Social Welfare and Development Region 2 ang pagbibigay ng ‘Social Amelioration’ para sa mga indibidwal na apektado ng COVID-19. Ito ay sailalim ng ‘BAYANIHAN HEAL AS ONE ACT’ na pirmado ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Ginoong Franco Lopez, DRRMD Chief ng DSWD Region 2, ilan sa mga mabebenipisyuhang indibidwal ay Senior Citizen, Persons with Disability (PWD), Buntis, Solo Parent, OFW in Distress, Indigenous People, Informal Sector, Drayber ng Tricycle, Kasambahay, Sari-sari Store owner, at Empleyado na ‘No work, No Pay’.
Paliwanag pa ni Lopez na walang kasiguraduhan na mabibigyan ang mga opisyal ng barangay ng ayuda dahil kung tuloy-tuloy aniya ang pagtanggap ng honorarium ay hindi ito prayoridad ng social amelioration.
Paglilinaw pa ni Lopez na sasailalim sa assessment na pangungunahan ng mga opisyal ng barangay at mga LGUs ang pagtukoy sa mga indibidwal na lubos na naapektuhan dahil sa sitwasyon ng bansa sa nakamamatay na sakit.
Sinabi pa ng opisyal na kinakailangang punan ang ibibigay na ‘Social Amelioration Card’ na magsisilbing batayan ng LGUs sa pagbibigay ng Cash Assistance.
Giit pa ni Lopez na hindi basta-basta tatanggap ang mga ‘Solo Parent’ at mga Senior Citizen dahil kinakailangan pa rin na tignan ang katayuan ng isang indibidwal dahil may mga senior citizen aniya na tumatanggap ng pension mula sa GSIS at SSS.
Sa ngayon ay nagsisimula na ang pag-identify ng mga LGUs sa mga indibidwal na higit na apektado ng COVID-19.