Angadanan, Isabela- Paiigtingin na ngayon ng PNP Angadanan ang kanilang programang Oplan KKK o Oplan Kalinisan, Kaligtasan at Kahandaan upang matulungan ang mga mamamayan sa kanilang nasasakupan na maging handa, ligtas at makaiwas sa pagkasangkot sa iligal na Gawain.
Ito ang inihayag ni PSI Carlito Manibug, ang Deputy Chief of Police ng PNP Angadanan sa naging talakayan ng RMN Cauayan sa programang Sentro Serbisyo.
Aniya, layunin umano ng naturang programa na magsagawa ng mga paglelecture sa bawat barangay at mga eskwelahan sa kanilang nasasakupan tungkol sa masamang dulot ng droga, Child abuse, VAWC at iba pang krimen na maaaring kasangkutan ng mga mamamayan sa kanilang bayan.
Hinihikayat naman ni PSI Manibug ituon nalamang umano ng mga mamamayan sa kanilang lugar ang kanilang atensyon sa mga gawang sports at mga tree planting activities para makaiwas ang mga ito sa pagkakasangkot sa anumang uri ng krimen.
Dagdag pa rito, ay layunin din umano ng programa na turuan ang mga tao upang magkaroon ng kaalaman kung paano makatulong sa mga hindi inaasahang sakuna at aniya ay nakipag-ugnayan na umano sila sa BFP, MDRRMC at iba pang sangay ng LGU sa kanilang bayan para mas maging matagumpay ang isasagawang programa.
Samantala, nananawagan naman si PSI Manibug na dapat umanong iwasan na ang mga masasamang gawain para mas maging mapayapa at ligtas na nagkakaisa ang mga tao sa kanilang munisipalidad.