Manila, Philippines – Isang tao kada araw ang napapatay mula nang ibalik sa
Philippine National Police (PNP) ang war on drugs.
Base sa report ng PNP-directorate for operations, kabuuang 118 katao ang
napatay sa anti-illegal drugs operations ng mga pulis mula December 5, 2017
hanggang March 5 ngayong taon.
Pero ayon kay PNP-DO Chief Director Camilo Cascola, tumaas din ang bilang
ng mga drug suspect na sumusuko sa kanilang oplan tokhang.
Aniya, 4, 548 na ang sumuko habang 12, 185 naman ang naaresto sa oplan
double barrel simula December 2017.
Pinakamaraming bilang ng surrenderee ay mula sa Central Luzon na sinundan
ng Northern Mindanao.
Samantala, ayon naman sa PNP-directorate for intelligence, 12, 287 na mga
drug suspect ang nasa drug watchlist pa rin simula December 5 hanggang
February 15, 2018.