Oplan Tokhang Reloaded, Sinimulan na sa Naguilian Isabela

Naguilian, Isabela – Muli ng kumilos ngayong araw ang kapulisan sa Naguilian upang bisitahin ang mga pinaghihinalaang personalidad na sangkot sa droga sa kanilang nasasakupan.

Ito ay alinsunod sa malawakang pagbabalik at pagpapatupad muli ng kontrobersyal na Oplan Tokhang ng PNP.

Ngayong araw, Enero 29, 2018, pinangunahan ni Police Senior Inspector (PSI) Francisco Dayag, Acting Chief of Police ng PNP Naguilian, at Deputy Chief Mary Jane Dalumay ang nasabing operasyon sa nasabing bayan.


Batay sa talaan ng PNP Naguilian, nasa limang katao umano ang kabilang sa mga Drug Identified individuals sa lugar na kinakailangang mapasuko ng pulisya.

Sa pagsama ng RMN News Cauayan sa operasyon, napag-alaman na ang ilan sa mga nasa watchlist ay nilisan na ang nasabing bayan.

Ayon naman kay PSI Dayag, handa umanong tuntunin ng PNP ang mga nasabing drug identified individuals upang mapasuko sa tamang proseso at upang matanggal na rin ng tuluyan ang kanilang pangalan sa watch list ng pulisya.

Tiniyak din ng opisyal na mabibigyan ng proteksyon ang mga susuko sa Oplan Tokhang kaya walang dapat ipangamba ang mga kaanak sa pagbibigay ng impormasyon ng mga ito.

Umaasa naman ang PNP Naguilian na mapapasuko ang mga kasama sa kanilang listahan sa loob ng anim na buwang palugit. tags: Luzon, Cauayan, Isabela, RMN Cauayan, DWKD 98.5, PNP Naguilian Valley Cops, Naguilian *

Facebook Comments