Oposisyon, tiwalang talo ang death penalty sa senado

Manila, Philippines – Tiwala si Senior Deputy Minority Leader Lito Atienza na walang pag-asang maipasa ang death penalty bill sa Senado.

Una rito ay naniniwala si Atienza na boboto ng kontra sa parusang kamatayan si Senate President Koko Pimentel.

Aniya ang ama nito na si dating Senate President Aquilino Pimentel Jr., ay kilalang human rights crusader at lumalaban sa pagbabalik ng parusang kamatayan.


Bukod dito ay hindi rin kasama sa priority measures ng Mataas na Kapulungan ang death penalty.

Ikinatuwa naman ni Atienza ang pahayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na patay na ang death penalty at nasa 13 mga senador ang boboto ng NO sa parusang kamatayan.

Ayon kay Atienza, kapag naisabatas ang death penalty ay tiyak na mga mahihirap lamang ang mapaparusahan dahil kayang bayaran at suhulan ng mga mayayaman ang mga korap na prosecutors at judges makalusot lang sa parusa.

Isa si Atienza sa mariing tumututol noon sa Kamara sa pagapruba sa death penalty bill sa paniniwalang ito ay anti-poor at lumalabag sa karapatang pantao.

Facebook Comments