Opposition Congressmen, nagbabala sa pagpapa-iral ng pangmatagalang Martial Law sa Mindanao

Manila, Philippines – Nababahala ang Minority Bloc sa Kamara na maging pangmatagalan na ang serye ng mga pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao.

Anila, hindi maaring palawigin pa ang proclamation number 216, ang orihinal na Martial Law Proclamation sa Mindanao, dahil ang layunin nito na tapusin ang pag-aaklas sa marawi ay naisakatuparan na.

Noong Biyernes, muling dumulog sa Korte Suprema ang mga Kongresista mula sa hanay ng oposisyon para hilinging ideklarang unconstitutional ang ikatlong pagpapalawig sa martial law at pagsuspindi sa privilege of the writ of habeas corpus sa rehiyon na tatagal hanggang December 31, 2019.


Giit ng mga petitioner, labag sa 1987 constitution ang ikatlong pagpapalawig sa martial law sa mindanao na nakapaloob sa joint resolution no.16 ng kongreso dahil wala nang banta ng rebelyon sa rehiyon.

Bigo rin daw si Pangulong Duterte na magprisinta ng “sufficient factual basis” para depensahan ang pagpapalawig sa batas militar.

Hindi rin kumbinsido ang mga taga-oposisyon na konektado sa rebelyon ang nagaganap na karahasan at terorismo sa Mindanao.

Facebook Comments