Manila, Philippines – Iginiit ng opposition senators kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na panindigan ang naging pahayag nito na walang pangangailangan para magdeklara ng martial law sa buong bansa.
Ang mensahe ng LP senators kay Lorenzana ay sa harap ng malaking kilos protesta na magaganap ngayong araw kaugnay sa paggunita sa ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Paalala ni LP President Senator Kiko Pangilinan, nalinaw ang pagtiyak ni Sec. Lorenzana sa ginanap na joint session noong July na hindi kailangan na makaabot sa Luzon at Visayas ang martial law na umiiral ngayon sa buong Mindanao.
Ayon kay pangilinan, mukhang nagbabalak si pangulong rodrido duterte na magdeklara ng martial law sa buong bansa kaya mahalaga na manindigan si Sec. Lorenzana sa kanyang pangako na hindi ito gagawin ng pamahalaan.
Diin ni Minority Bloc Leader Sen. Frank Drilon, hindi dapat gamitin ang magaganap na kilos protesta ngayong araw para sa deklarasyon ng batas militar.
Ayon kay Akbayan Senator Risa Hontiveros, kung magkagulo man ay tiyak na hindi ito magmumula sa pro-democracy forces.
Apela naman Magdalo Sen. Antonio Trillanes IV kay Lorenzana maging totoo sa sinumpaan nitong paglilingkod, pagsiserbisyo at pagbibigay proteksyon sa mamamayan at sa buong bansa at sating soberenya.