Manila, Philippines – Nakapwesto na simula kahapon ang mga orange plastic barriers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Quirino Grandstand.
Ang mga ito ang magsisilbing harang o divider para sa mga dadalo sa taunang pahalik sa imahe ng Itim na Nazareno bago ang pista nito sa Miyerkules.
Samantala, ayon kay Edward Gonzales, pinuno ng road emergency ng MMDA pag-iisahin na lamang nila ang pila sa pahalik ngayong taon.
Nagrereklamo daw kasi ang ilang magkakamag-anak at magkakasama noong nakaraang taon dahil hiwalay pa ang pila.
Ibig sabihin, dalawa na lang ang magiging pila sa “Pahalik” ngayong taon isa para sa mga deboto, mapa-babae man o lalaki, at isa para sa mga person with disability (PWD), senior citizen at buntis.
Inaasahang mamayang gabi pa lamang ay dadating na ang mga deboto sa Quirino Grandstand para pumila sa “Pahalik.”
Kaugnay nito nagpaalala ang Manila District Traffic Enforcement Unit sa mga motorista dahil simula alas sinco ng madaling araw bukas sarado ang Katigbak Drive, South Drive, at Independence Road.
Pinapayuhan ang mga maaapektuhang motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta.