
Pinalawig ng Commission on Elections (Comelec) ang oras ng botohan sa ilang lugar sa Basilan.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ito ay matapos ang tensiyon mula sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kasama ang iba pang grupo.
Dahil dito, hindi aniya agad nakapasok at nakakuha ng mga gamit ang mga guro kabilang na ang mga balota para sa halalan.
Ayon kay Garcia, extended hanggang 9pm ang botohan sa Bayan ng Albarka kasunod na rin ng pasya ng Comelec En Banc.
Habang alas-siyete naman magtatapos ang botohan para sa iba pang lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Naniniwala naman ang poll body na maaabot ang target na voter’s turnout sa kabila ng mga nangyaring gulo.
Nasa 80% ng mahigit 2.3 million na rehistradong botante ang inaasahan ng Comelec na boboto sa unang Parliamentary Elections ng rehiyon.










