Inilabas na ng Malacañang ang order of priority para mabigyan ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, una sa listahan ang mga frontliner workers kasama ang mga health workers sa mga pampubliko at pribadong ospital, public health workers sa lahat ng regional health units, city health personnel, city office field workers at Local Government Units (LGUs) contact tracers.
Ipa-prayoridad din sa bakuna ang barangay health workers kabilang ang barangay health emergency response team (BHERT), at government agencies tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor).
Pangalawa sa prayoridad ang mga mahihirap na senior citizen habang nasa ikatlo ang natitirang mga senior citizen.
Ika-apat sa listahan ang mga natitirang mahihirap na populasyon na may pinakamalaking bilang o nasa 12,911,193 (million).
Ikalima naman ang mga uniformed personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP) at Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU).
Sa kabuuan, nasa mahigit 24.8 million ang target na iprayoridad na mabigyan ng bakuna ng gobyerno kontra COVID-19.